Thursday, June 21, 2012

Ilocos Norte - Ilocos Sur | December 8-9, 2010


Isa sa mga gusto kong puntahan na lugar ay ang Ilocos Region. Salamat sa murang pamasahe ng Cebu Pacific Air, sa halagang 400+ may roundtrip ticket na ako.


Gabi na ng makalapag ang eroplanong sinasakyan namin sa Laoag International Airport. Paglabas namin ng paliparan ay naghihitay na ang sundo naming sasakyan papuntang Palacio de Laoag. Dito namin piniling magpalipas ng gabi dahil malapit ito sa Partas Bus Station na sasakyan namin kinabukasan papuntang Vigan.
Palacio de Laoag Reception Area

Dinner @ Cafe Marqueza
Bago mag alas-siyeta ng umaga ay pumunta na kami sa Partas bus station (J.P. Rizal Street, Laoag City). 

Ilang sandali lang pagkatapos namin bumili ng ticket ay dumating na sa boarding area ang bus na sasakyan namin. Umupo kami sa unahang bahagi ng bus para makita naman ng buo ang mga tanawin na madadaanan namin sa biyahe papuntang Vigan..

Mahigit isang oras lang at nasa sentro na kami ng Vigan. Bumaba kami at nagtanong-tanong sa mga nagkakalesa kung saan ang Calle Crisologo. Habang naglalakad kami ay nakita namin ang  St. Paul Metropolitan Cathedral o mas kilala sa tawag na Vigan Cathedral. Tumapat lang kami sa harap ng simbahan ngunit hindi na kami pumasok dahil sa dami ng tao. 

Vigan Cathedral
Ang Vigan Cathedral ay itinayo noong 1574 ngunit ito ay nagiba ng lindol noong 1619 at 1627. Ang kasalukuyang gusali nito ay naitayo noong 1790-1800.

Calle Crisologo ang pangunahing pasyalan sa Vigan. Dito makikita ang mga sinaunang bahay noong panahon ng mga kastila na hanggang sa kasalukuyan ay napapakinabangan. Sarado ito sa mga pampublikong sasakyan bukod tanging kalesa lamang ang pwedeng dumaan dito. 



 
Maraming bilihan dito ng mga pasalubong tulad ng t-shirt, key chain, bibingka, chichacorn at mga ibang produkto ng Ilocos. Isa sa mga maipagmamalaki nila ay ang napakasarap na Tongson's Royal Bibingka.


 Habang kami ay nasa Calle Crisologo ay nilapitan kami ng isang mama at inalok kami kung gusto naming magrenta ng kalesa. Tinanong namin kung magkano ang dapat naming ibayad at kung anong mga lugar ang pupuntahan namin. Sinabi nya sa amin na dadalhin nya kami sa Burgos Museum, SYQUIA Mansion Museum, Hidden Garden, Burnay Pottery at Baluarte, nagkasundo kami na magbabayad kami ng 400.00 para sa tatlong oras.


Calle Crisologo

Burgos Museum ang una naming pinuntahan, hindi ito nalalayo sa Calle Crisologo. Makikita dito ang mga koleksyon tulad ng litrato, lumang kagamitan, alahas at iba pang mga bagay. 



Entrance Fee 10.00

Sa unang palapag ay makikita ang mga lumang kalesa na masasabing napanatili ang ganda nito. May mga gamit din sa pagsasaka, panghabi ng tela,  lumang makinilya, gamit sa pakikipaglaban, kagamitan sa kusina, at mga litrato. Mayroon din maliit na silid aklatan dito at mga lumang kabaong.



Sa ikalawang palapag naman makikita ang mga sala set, kama, mga imahe ng santo, litrato, lumang damit, piano at marami pang ibang gamit na napaglumaan na ng panahon.


Burnay Pottery

Pagdating namin dito ay halos magsiksikan na ang mga tao sa loob kaya hindi na kami nagtagal at kumuha lang kami ng pictures at umalis na din kami...


Sikat ang pottery sa Vigan dahil maraming clay ang matatagpuan sa bandang kanlurang bahagi ng probinsya. Nagsimula ito noong panahon pa ng mga Intsik at hanggang ngayon ay ikinabubuhay ng maraming tao sa Vigan.

Hidden Garden ito ay matatagpuan sa Bulala isang barrio sa Vigan na kilala sa paggawa ng mga palayok, paso at banga. Noong una ay hindi namin inakala na may taglay itong kagandaan sa loob, ngunit noong nakapasok na kami  namangha kami sa dami ng mga magagandang halaman.


Entrance fee: Donation



Iba't-ibang uri ng mga halaman at puno ang makikita dito. Iniayos din ang lugar para sa mga pumupuntang bisita, may grotto, tulay at landscape na pagsasawaan ng mga mata.  
 Inabot na kami ng tanghalian sa pag-ikot kaya dito na namin pinasyang magtanghalian. May restaurant sila dito na naghahain ng pagkain ng Ilocos, siyempre palalampasin ba namin ang bagnet at pinakbet..



At ang sikat na Empanada with Vigan Longanisa pwede bang mawala.

Pagkatapos ng masarap na tanghalian ay kumuha pa kami ng mga ilang litrato bago kami lumabas at pumunta sa Baluarte.


Tirik na tirik ang araw pero hindi namin ito alintana dahil masaya kami sakay ng kalesa habang binabaybay namin ang kalsada patungong Baluarte. Pagkalipas ng halos kalahating oras ay narating namin ang Baluarte na pag-aari ni Chavit Crisologo Singson.

Entrance Fee: Free

Ang Baluarte ay hindi lamang isang zoo, pwede ditong makisalamuha sa hayop at kalikasan ng walang bayad pero pwede din magbigay ng donation. 


Ang Baluarte ay nagsimula noong 1991 bilang isang rest house ng pamilya Singson. Marami ng uri ng mga hayop ang makikita dito tulad ng unggoy, manok, bayawak, at mga ibon. Pwede dito na magrelax dahil tahimik at malayo ito sa siyudad.


Syquia Mansion Museum ay bahay ni dating Pangulong Elpidio Quirino. Ang mansion ay isa sa mga pinakamalaking bahay na bato na makikita sa Calle Crisologo.

Sarado na ito ng kami ay makarating kaya tumuloy nalang kami sa Partas bus station.   

Habang nakasakay kami sa bus ay nakapadesisyon kami na bumaba sa may Simbahan ng Paoay bago kami bumalik sa Laoag. 





Isa sa mga baroque na simbahan ang Paoay Church na matatagpuan sa Ilocos Norte. Naitayo ito noong 1710 at kilala ito dahil sa magandang arkitektura. 

Itinalaga ang Simbahan ng San Agustin bilang Unesco World Heritage Site.







Malapit ng dumilim ng kami ay makabalik sa Laoag pinasya nalang namin na pumunta sa Cathedral. Ang Laoag Cathedral o St. William Cathedral ay sentral na simbahan sa Laoag, naitayo noong 1612. 



Ang Simbahan na nasira sa lindol noong 1706 at nasunog noong 1843 naibalik ito sa kasalukuyang itsura noong 1880. Makikita sa kabilang kalsada ang Bell Tower nito.


Tumuloy kami sa pamilihang bayan ng Laoag para bumili ng pasalubong tulad ng bagnet at longanisa. 

Kulang ang maghapon naming pamamasyal sa Ilocos Norte at Ilocos Sur. Marami pa kaming hindi napuntahan gaya ng Marcos Museum, Sta.Maria Church, La Paz Sand Dunes at iba pang kilalang pasyalan...

Salamat kay Malou at Arcela na nakasama kong pumunta sa Ilocos. 

Palacio de Laoag - http://www.thepalaciodelaoag.com/
















































No comments:

Post a Comment